El himno de mi corazon
|

El Himno de mi Corazon (An Excerpt)

El himno de mi corazon

CAPITULO UNO: Esragani de Roque

NAGSILABASAN ang kalalakihan sa Escuela de San Sebastian na may ngiti sa mga labi. Katapusan ng taunang pag-aaral kaya nababakas ang kaginhawaan sa kanilang mga mukha.

“Amigos! Divirtámonos esta noche!” aya ni Donisio. (Mga kaibigan! Magsaya tayo mamayang gabi!)

Mahinahong tinapik ni Teban ang balikat ng binata. “Saan naman iyan, amigo? Nais kong basbasan ang aking nanunuyong lalamunan.”

“Sa Teatro Corazón, amigo! Balita ko’y especial ang kanilang alak doon!” sagot nito.

“Teatro Corazón? Iyon ba ang teatrong pagmamay-ari ng mayamang hacienderong si Señor Encio?” pagsali si Malbar sa usapan.

“Ano naman ang itinatanghal ng teatrong iyon, amigo? Marahil katulad lamang iyon ng Pasipiko, nakaaantok ang dulaan!” sabat ni Rajelio at mapang-asar na tumawa.

Nag-ilingan ang ibang kalalakihan.

“Hindi, amigo! Balita ko’y tuwing Viernes at Sábado, Zarzuela ang kanilang itinatanghal. At isang magandang binibini ang kanilang mang-aawit!” Binalingan ni Donisio ang nananahimik na si Esragani, “Ano, amigo? Makadadalo ka ba sa aking paanyaya?”

“Susubukan ko,” maikling sagot ng binata.

Ang limang kalalakihan ay mga anak ng Principalia, mga mayayamang katutubo, na nakapag-asawa ng maimpluwensyang Insulares, mga purong Kastila na lumaki sa Pilipinas. Sa madaling salita, sila ay mga mestizo. Nakaluklok na Gobernadorcillo sa pueblo ng San Sebastian ang ama ni Esragani, samantalang anak naman ng mga cabeza ang mga kaibigan.

Isa ang San Sebastian sa mga lugar na napasailalim sa kapangyarihan ng Hari ng Espanya. Rumuronda sa bawat calle ng pueblo ang mga guardia sibil, tagapangalaga ng kapayapaan. Higit doon ay upang manghuli ng mga indiyong sumasalungat sa batas ng Espanya.

Madalas dumanak ang dugo sa buong pueblo. Napakamapanganib-para sa mga indiyong pinagkaitan ng kasarinlan sa sariling bayan.

“Estúpido, tonto!”

Sakay ng kalesa, rinig sa Calle Manuel ang sigaw ng isang guardia sibil. Marahil may nahuli na naman itong pagala-galang mga batang indiyo, nanlilimos o nagnanakaw sa mga tindahan sa tabi ng calsada. Palaging nadaraanan ni Esragani ang ganoong mga kaguluhan tuwing binabaybay ang lansangan patungo sa masyon ng mga de Roque. Noong una, dala ng awa sa mga batang inaapi, pinahihinto niya ang kalesa sa tapat ng komusyon at pumapagitna siya sa kaguluhan. Ngunit nang naulit nang naulit ang pangyayaring ganoon, pinigilan na niya ang sariling makialam. Sapagkat kung ipagpapatuloy niya ang pagtatanggol sa mga ito, mamimihasa ang mga ito at aabusuhin lamang ang kaniyang kabaitan. Kaya tulad ng mga hapong nagdaan, ipinikit niya ang mga mata hanggang sa makarating sa mansyon.

Nasa sentro ng pueblo ang mansyon ng mga de Roque, malayo-layo sa escuela. Kahanay ng mansyon ang bahay ng mga kilalang principalia, mga elitista, at ilang mayayamang angkan sa San Sebastian.

“Buenas tardes, Señorito Esragani.”

Tinanguan ni Esragani ang katiwalang hardenerong nakasalubong sa tarangkahan, saka nagtungo sa bulwagan ng mansyon. Nadatnan niya roong prenteng nakaupo sa isang rattang silya si Don Antonio de Roque, ang kaniyang ama.

Isa ang mga de Roque sa mayayamang mga angkan na kabilang sa alta-sociedad. Bukod sa kapangyarihang hawak ni Don Antonio bilang Gobernadorcillo ng San Sebastian, nagmamay-ari rin ito ng hekta-hektaryang lupain sa San Sebastian at sa karatig lungsod.

Isang nagpapatunay ng kayamanan nito ay ang malaki at marangyang disenyo ng mansyon. Mula sa makintab na marmol, mamahaling muwebles, mga ornamento at aksesorya, mga rebulto ng mga Santo at Santa sa bulwagan, at maging ang magarang bombilya ng mga ilaw de baterya na inangkat pa mula Kanluran-lahat ng ito’y sumisigaw ng kayamanan ng Don.

“Buenas tardes, Papá.” Inabot ni Esragani sa katiwala ang bitbit na mga libro. “Hahayo ako patungo sa bukirin, Papá. Tienes algo que decirles a los agricultores?” (May nais ka bang ipasabi sa mga magsasaka?)

Matayog ang tindig ni Esragani. Matipuno ang katawan at mala-intelehente ang kakisigan ng binata. Kumukuha siya ng batsilyer en bellas artes sa pamantasan. Sa pagtatapos ng pag-aaral sa susunod na taon, tutungo siya sa Europa upang mag-aral ng arkitektura. Sa edad na veinte, mas maliwanag pa kaysa sa sikat ng araw sa kapuluan ang planado niyang hinaharap.

“Mi hijo, ipagpabukas mo na ang pagtungo sa bukirin. Ipinadala ko na si Tomas upang humalili sa pagbabantay sa anihan ng mais.” Tumayo mula sa pagkakaupo sa magarang upuang rattan si Don Antonio. Nang magkalebel, ipinatong nito ang kamay sa balikat ng binata. “Disfruta tu día, Esragani.” (Magpakasaya ka sa araw na ito, Esragani.)

“Si, Papá,” agarang sagot ng binata, sinundan ng tingin ang amang pumanhik sa ikalawang palapag.

Napabuga ng hangin ang binata, marahang umiling. Siya ngang tunay, sa mga kaibigan kumampi ang pagkakataon ngayon!

Matapos magbihis ng malinis na kamisa de chino at sinuklay ang buhok na planstado sa pomada, nilisan ni Esragani ang cuarto, lumabas ng bulwagan at inutusan ang kutsero na ihatid siya sa Teatro Corazón.

Habang binabaybay ang lansangan patungo sa Calle Vernabe, tanaw sa bintana ng karuwahe ang mamamayan ng San Sebastian. Palubog na ang araw ngunit dagsaan pa rin ang mga parokyano sa mga tindahang nasa gilid ng daan. Puwera sa pamilihan, ang unang palapag ng mga batong bahay ay ginagawang tindahan. Ngunit hindi ito abala sa daraanan. Sa kahigpitan ng mga guardia sibil, pinanatiling may sapat na espasyo para sa de gulong na sasakayan.

“Hiya!” sigaw ng kutsero, pinahinto ang kabayong hila-hila ang karuwahe. “Señorito Gani, narito na ho tayo.”

Kagyat na lumipat ang tingin ni Esragani sa kabilang bintana. Roon niya nakita ang mga letrang Teatro Corazón na paarkong nakapaskil sa ibabaw ng pintuang salamin ng batong gusali.

Inayos niya ang nagusot na kamisa at pumanaog sa kalesa. “Gracias, Carding.”

“Bueno, Señorito.” Minani-obra ni Carding ang kalesa sa paradahan.

Nagtungo si Esragani sa salaming pintuan at itinulak ito pabukas. Bumati sa paningin at pandinig ng binata ang nagkasisiyahang mga kababaihan at kalalakihan sa loob ng malawak na bulwagan. Nakaupo ang mga ito sa mahahabang upuan.

Sa harapan ng bulwagan ay may malapad na entablado na natatakpan ng pulang kurtina. Nababalot ang buong silid ng dilaw na ilaw mula sa ilang bombilyang de baterya at sa mga lamparang nakasabit sa dingding ng silid.

Samantalang hindi pa ganap na nagsisimula ang palabas, rinding-rindi na ang binata sa ingay ng mga taong nagtatawanan. Minabuti na lamang niyang hanapin ang mga kaibigan, kinukunat ang maikling pasensya. Nasa likurang bahagi ang mga ito, nakadulog sa may kataasan at paarkong manipis na mesa, malayo-layo sa nagkakasiyahang mga tao.

El ruido, Dios mio!

Si Malbar ang unang nakapansin sa pagdating ng binata. “O, Gani! Amigo! Mabuti’t nakarating ka!” Inalok nito ang isang baso ng lambanog. Tinanggap naman niya iyon. “Maupo ka, amigo.”

Tinanguan niya ang iba pang mga kaibigan bago muling inilibot ang paningin sa silid.

“Hindi pa nagsisimula ang palabas, amigo. Tamang-tama lamang ang iyong pagdating,” pahayag ng lumapit na si Donisio, malapad ang ngiti. “Masaya akong hindi mo tinanggihan ang aking paanyaya sa pagkakataong ito.”

Naiiling siyang sumimsim ng inumin. “Nais ko ring magsaya ngayong gabi.”

“Iyon, o!” Inakbayan siya ni Rajelio. “Amigo, masyado mo kasing isinusubsob ang iyong sarili sa pag-aaral at sa pagiging isang mabuting anak ng Gobernadorcillo! Paminsan-minsan, kailangan mo ring magpahinga at magsaya!” Humalakhak ito at akmang kukuha pa ng inumin nang pigilan ni Teban.

“Awat na, Rajelio! Ang dami na ng iyong nainom. Baka hindi pa nagsisimula ang palabas, ika’y tumba na.” Hinila ni Teban ang binata at pinaupo sa pwesto nito kanina, saka binalingan ang bagong dating. “Gani, masaya akong nakarating ka.”

“Gracias, amigos,” tipid na sagot ni Esragani.

Nagsimula ang palabas hindi kalaunan. Sa pagtanggal ng tabing, tumambad ang mga manananghal sa entablado. Nakasuot ang ilan ng makukulay na kasuotan, samantalang baro’t saya naman ang suot ng iba. Nakatayo ang mga ito sa harapan, sabay-sabay na nagsiyukuan.

Ang entablado ay napalalamutian ng iba’t ibang kagamitan para sa dulaan. Ang kaliwang bahagi ng entablado ay may bahay-kubo na gawa sa nipa at ilang sakong dayami. Isang arko naman kung nasaan nakalagak ang patron ng kanilang pueblo na si San Sebastian at isang krusipiyo ang nasa gitna. Samantalang isang tila kulungang bakal ang nasa kanang bahagi.

Sa saliw ng musika mula sa kombinasyon ng mga ritmo ng kulintang, nag-indakan ang mga mananayaw sa katutubong musika. Pumailanlang ang tunog ng kudyapi, hudyat na magsisimula na ang dulaang may awitan na kung tawagin ay Zarzuela.

Isang malamyos ngunit may kalalimang boses ang sunod na narinig sa bawat sulok ng bulwagan. Napakaganda ng tinig ng dalagang umaawit. Damang-dama ng mga manonood ang timpla ng galak at sabik sa tinig nito.

(Katrina)

Ito na ang araw na aking pinakahinihintay

Makikita ko na ang iniibig kong tunay

Nang sa aking piling siya’y nawalay

Waring paghinga’y walang saysay

(Tagapagsalaysay)

“Ang Unang Kabanata ng dulang Hindi Magmamaliw.”

Binuksan ng binibining mang-aawit ang bintanang gawa sa nipa ng bahay-kubo. Nakapaskil ang matamis na ngiti sa kaniyang mga labi.

(Tagapagsalaysay)

“Binati ni Katrina ang isang bagong umaga nang masigla. Hindi dahil ngayon ang kapistahan ni San Sebastian, kundi dahil muli niyang makikita ang iniirog na si Lorenzo.”

“Nariyan na siya! Nariyan na siya!” sigaw ni Inang Belen, abuela ni Lorenzo.

Pumanaog si Katrina sa kubo. “Siyang tunay, Inang Belen?” puno ng kasabikan ang boses ng dalaga.

“Siyang tunay, irog ko!”

Ikinulong si Katrina ng mga brasong halos dalawang buwan niyang kinasabikang maramdamang yayapos sa kaniyang muli. Nasa harapan na niya si Lorenzo. Nasa piling na niya ang iniirog!

(Katrina at Lorenzo)

Natapos na ang paghihintay

Napawi na ang lahat ng lumbay

Sapagkat narito na sa aking tabi

Ang iniirog kong minimithi

(Tagapagsalaysay)

“Isa si Lorenzo sa maraming Tagalog na napasailalim sa polo y servicio. Natapos na ang apatnapung araw na pagtatrabaho ng binata sa paggawa ng tulay ng Puente Colgante para sa taon na ito.”

“Kumusta ka, irog ko? Ikaw ba’y kanilang pinahirapan sa trabaho?” maluha-luhang tanong ng dalaga.

Hinagkan ng binata ang kaniyang mga kamay. “Ang mahalaga’y tapos na ang aking pagseserbisyo sa pamahalaan, irog ko. At ako’y nakauwi na sa piling mo.”

“Ako’y nagagalak na ika’y nakauwi na, irog ko.”

(Tagapagsalaysay)

“Ikalawang Kabanata. Naghahanda ang kanayunan para sa Pista ng San Sebastian. Ipaparada sa Calle Lucena at pabalik sa parokya ang patron na si San Sebastian. Ang mga deboto ng patron ay may tangan na kandila habang sinusundan ang karosang puno ng mga bulaklak na inilagakan sa poon.”

Nakatalukbong ng belo ang mga kababaihan samantalang panyolito naman ang nasa ulunan ng mga kalalakihan. Hawak nila sa magkabilang mga kamay ang rosaryo at sinindihang kandila. Humihinto sila sa bawat istasyon ng krus at nagnonobena sa pangunguna ng Kura Paroko.

(Lahat)

Halina’t ipagdiwang ang banal na misa

Parangalan ang patron na si San Sebastian

Ito’y panahon ng pagninilay-nilay

Pasasalamat sa biyaya at pangungumpisal sa kasalanan

Pananampalata’y palakasin at ika’y pagpapalain

(Tagapagsalaysay)

“Ikatlong Kabanata. Ilang araw matapos ang kapistahan, nagtungo sa bukirin si Lorenzo tangan ang itak. Mangunguha siya ng panggatong na gagamitin sa araw ng pamamanhikan niya sa dalagang si Katrina. Nais niyang hingin ang kamay ng dalaga upang sa wakas ay maging kabiyak na niya ito. Ngunit siya’y hinuli ng mga guardia sibil at inakusahang tulisan na nagnanakaw sa kamalig ng mga principalia. Ikinulong siya sa Fuerza Vera. Nadurog ang puso ni Katrina nang umabot sa kaniya ang masamang balita. Kaagad siyang nagtungo sa piitan ng iniirog.”

“Lorenzo, irog ko… Maayos lamang ba ang iyong kalagayan? Ikaw ba’y sinasaktan nila? Ginugutom?” pagtangis ni Katrina sa katipan na nangangayayat at namumutla ang makisig na mukha.

“Tahan na, Katrina,” pag-aalo nito sa dalaga. Inabot nito sa pagitan ng kalawanging bakal ng rehas ang mga kamay niya at hinagkan. “Noong inibig kita, pinangako kong ika’y hindi bibigyan ng alalahanin. Sapagkat ang nais ko ay maging masaya ka sa aking piling. Ngunit tila maramot sa akin ang swerte sapagkat parati na lamang akong napahahamak at nalalayo sa iyo. Pinag-aalala kita kahit hindi ko naisin. Patawad, irog ko, ngunit ayaw ko nang dagdagan pa ang sakit na iyong pasanin… Kalimutan mo na lamang ako…”

“Hindi, irog! Huwag mong sabihin iyan! Ako’y gagawa nang paraan upang makalabas ka sa piitan. Umiinog ang aking mundo nang dahil sa iyo kaya hindi kita susukuan.”

(Katrina)

Sapagkat ang aking pag-ibig sa iyo ay hindi magmamaliw

Subukin man ng tadhana, pangako ako’y hindi bibitiw

(Lorenzo)

Ngunit kung pag-ibig na sukli ay puro pighati

Nanaisin ko pang pakawalaan ang aking minimithi

“Gagawa ako nang paraan, irog ko! Hintayin mo ako!” determinadong tugon ni Katrina.

(Tagapagsalaysay)

“Ikaapat na Kabanata. Humingi ng tulong si Katrina sa kanilang Tinyente del Barrio kapalit ang sampung sako ng bigas at limang pato. Kaya niyang isakripisyo ang mayroon siya para sa ikalalaya ng katipan, mailigtas niya lamang ito sa bingit ng kamatayan. Nang makalaya si Lorenzo, muli siyang sinuyo nito, pambawi sa pighating dinulot nito.”

(Lorenzo)

Aking irog, ako sana ay mapatawad mo

Nasaktan ko ang iyong damdamin

Noong nasa piitan pa ako

Hindi ko nais na ako ay pakawalan mo

Ngunit salamat at pinili mo pa rin ako

(Katrina)

Magpahanggang wakas, ikaw lamang, Lorenzo

Ang iibigin ko nang tunay at buong-buo

Kaya kong hamakin ang lahat sa mundo

Manatili ka lamang sa piling ko

“Katrina…” Hinawakan nito ang kamay ng dalaga at masuyong nginitian. “Maaari ko bang hingin ang iyong mga kamay? Payag ka bang pakasalan ako?”

Nagulat man ay nakangiting tumangu-tango ang dalaga. “Oo, Lorenzo… Magpapakasal ako sa iyo!”

Walang masidlan ang umaapaw na saya ni Lorenzo dahil sa naging sagot ni Katrina. Mahigpit nitong niyakap ang sinisinta. “Maraming salamat, Katrina. Minamahal kita.”

Kumalas ang binata sa yakap at unti-unting inilalapit ang mukha sa mukha ni Katrina. Pumikit lamang ang dalaga habang hinihintay ang paglapat ng kanilang mga labi nang…

“DETENER!”

Dumagundong ang nanggagalaiting sigaw mula sa galit na binata sa buong teatro. Napatigil ang dulaan-na siyang kaniyang nais mangyari. Nagsilingunan ang lahat sa likuran, mga pares ng mga matang naguguluhan. Tumayo siya, inayos ang nagusot na kamisa, at matamang tinitigan ang dalagang nasa entablado.

“No dejaré que nadie te bese, Señorita.”

Bago tuluyang makalabas sa salaming pintuan, tinawag siya ng mga kaibigan.

“Esragani! El problema?”

Ngunit tuloy-tuloy sa paglabas ang binata. Hindi lumingon. Hindi kumibo. Sapagkat siya man ay naguguluhan sa kaniyang inakto. Basta batid niya, nang marinig ang napakagandang boses at makita ang maamong mukha ng dalaga, especial ang binibining iyon. Hindi nararapat halikan ng kung sinu-sino.

Get the book here for only PHP 570.

Similar Posts

Leave a Reply

Your email address will not be published.